Mapaminsalang papel ang ginampanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit maraming Pilipino ang may nalason na isipan, na nagpapalabnaw sa perspektiba kung paano dapat itinuturing na tao ang isang tao.
Kapag ang isang politiko ay itinuturing nang higit sa batas, nagsisimulang mabulok ang demokrasya, lalo kung ang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan ay pinatatakbo ng isang demagogue, ng isang pinunong walang pagpapahalaga sa karapatang pantao.
Nang dahil sa trahedyang naganap sa Toboso, Negros Occidental, muling lumitaw ang isang masakit na katotohanan sa kalagayan ng ating lipunan. Sa halip na kilalanin ang kanilang pagkatao at karapatang pantao, pinili ng mga Pilipinong na gawing katatawanan, bito, at insulto ang kanilang pagkamatay.
Tinawag na “corned beef,” “rebelde,” at “salot sa lipunan” ang mga nasawi sa military operations sa Toboso. Sa pagparada sa kanilang mga pagkatao bilang mga kaaway ng pamahalaan, nalilimutan natin na tao rin sila — may pamilya, may pangarap, at may pinaglalaban.
Sa Pilipinas, tila unti-unti nang nagiging normal ang dehumanisadong wika. Nakalulungkot man, ngunit hindi mapagkakailang ito ang legasiyang iniwan ni Duterte. Ito ang totoong #TaktakDuterte.
Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, naging pangkaraniwan ang paggamit ng mararahas at mapang-abusong pananalita. Nakuha niyang maliitin ang mga kumakalaban sa kaniyang politika, magbiro tungkol sa panggagahasa, at hayagang hikayatin ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang kriminal.Kabilang sa mga binitawang lintaya ni Duterte ay, “Nagalit ako kasi ni-rape? Oo, isa rin ’yun. Pero napakaganda, dapat ang mayor muna ang mauna.” Kasama na rin ang, “Pagka lumaban, patayin ninyo para matapos na ang problema ko sa siyudad ko.”
Kung sa tingin natin ay nakababahala na ang ganitong mga pahayag, mas nakababahala ang ideolohiyang marami ang pinapalakpakan ito. Hanggang ngayon, sa tuwing may krimen o simpleng hindi pagkakaintindihan, ang default mode ng mga tao ay: Patayin na lang kasi.
Nang paulit-ulit na marinig ng publiko ang mga pahayag na nagbibigay-katwiran sa karahasan, nagmimistulan na ring nabago ang ating pananaw sa dignidad ng tao. Ang mga biktima ng extrajudicial killings ay tinawag na adik at kriminal sa kabila ng patunay na sila ay inosente, kagaya na lamang ni Kian delos Santos na nadamay sa Oplan Tokhang; ang mga aktibista ay agad na binabansagang terorista o komunista sa kabila ng kanilang pinaglalabang mga reporma.
Nang dahil sa modelong ipinapakita ni Duterte, kung paano niya tratuhin ang kababaihan, paano niya alipustahin ang mga walang kamuwang-muwang, unti-unting naalis ng moralidad sa ilang Pilipino.
Nabulag tayo sa kaniyang “for the people” na idelohiya. Nilason tayo ng kaniyang pulitika na puno ng takot at karahasan.
Ang nangyari sa Toboso ay isang malaking salamin ng mas malalim na suliranin sa ating lipunan. Hindi natin kailangang sang-ayunan ang paniniwala ng isang tao upang igalang ang kaniyang karapatang pantao; hindi rin kailangang kampihan siya upang kondenahin ang paglapastangan sa kaniyang dignidad.
Ang hustisya ay hindi nakabatay sa kung sino ang gusto natin at hindi natin gusto. Kung gayon, hindi ito matatawag na hustisya, ito ay isang lugar kung saan naninirahan ang pagbubulag-bulagan sa karahasan, pagpalakpak sa pang-aabuso, at pagpapatawad sa paglabag sa karapatang pantao.
Para maging ganap na tao, kailangan nating piliin ang magpakatao. Pare-parehong biktima ang mga nasawi dahil nilabag ang kanilang karapatang pantao. At hindi nasasagot o nasasapat ng paggamit ng dehumanisadong wika ang kawalan ng hustisya.
About the Journalist
Zea Domingo
Zea Domingo has been a journalist with a decade of experience, serving as the Editor-at-Large for Breakline PH. She is also the Editor-at-Large of Explained PH, and the former Head Content Strategist of Assortedge. She is currently pursuing her Bachelor of Arts in Journalism at the University of the Philippines Diliman. In 2024, her team qualified for the National Schools Press Conference in the Collaborative Desktop Publishing category. A furparent of four. A half-marathoner too, by the way. Reach them at zgdomingo@explained.ph.




