Suki na ang Pilipinas sa mga sakuna at kalamidad—mula sa mga bagyo at paglindol, hindi na ito bago para sa mga Pilipino. Mistulang nasanay na nga ang taumbayan na lumikas at magtakbuhan tuwing mayroong sakuna, kaya hindi na dapat nasasapat ang Filipino resilience.
Hindi komersyalisasyon ang kailangan ng mga Pilipino, kundi tamang paghahanda para sa pagdating ng mga sakuna.
Tulad ng Japan, marapat na mamuhunan ang bansa sa earthquake-resilient technologies at komprehensibong recovery plans upang matiyak ang kaligtasan at katatagan ng bansa sa harap ng malalakas na lindol.
Noong June 8, 2026, naranasan ng SOCCSKSARGEN ang isa sa pinakamalalakas na pagyanig, magnitude 7.8 na lindol, at umabot naman sa 17,000 katao ang naapektuhan nito. Hindi biro at hindi rin karaniwan ang mga sakunang nagbabanta sa mga Pilipino. Marami ang naapektuhan, at maraming buhay din ang nasasawi dahil sa kakulangan ng paghahanda ng bansa.
Sa kabila ng banta ng lindol, dumarami ang mga residenteng naninirahan sa lugar na dinaraanan ng fault lines, kabilang dito ang National Capital Region (NCR) na itinatayang 14 milyong katao ang nasa kahabaan ng West Valley Fault line. Patuloy na dumarami ang bilang ng buhay na nalalagay sa kapahamakan ng banta ng mga sakuna.
Hindi sapat ang muling pagtatayo ng mga nawasak na establisyemento. Pangmatagalang solusyon at mabuting paghahanda ang hinaing ng taumbayan, hindi karagdagang mga high-rises at malls sa lupang naging libingan ng mga Pilipinong namayani dahil sa lindol.
Gayunmang ipinahayag ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol sa Headstart ng ANC noong 2025: "Normal lang ito. It’s just that, maraming malalakas na lindol na naramdaman ng mga tao. But everything is normal."
Kahit pa karaniwan na ang lindol, hindi kailanman tama na tingnan ang mga ganitong sakuna bilang "normal" na pangyayari. Kailangan ng bansa ang tamang paghahanda, hindi ang patuloy na pagsanay sa mga Pilipino na lumikas sa panahon ng sakuna.
Samantala, nakatuon naman ang pamahalaan sa mga proyekto kagaya ng Manila Bay reclamation project na naglalayong lumikha ng bagong lupain para sa komersyo.
Habang nagtutulak ito ng pag-unlad sa bansa, maaari din itong magresulta sa mas matinding pagbaha at pagtaas ng mga panganib sa buhay, imprastraktura, at katatagan ng mga komunidad.
Bawat proyektong ipinatutupad at imprastrakturang ipinatatayo na hindi inaalam ang kahihinatnan nito ay lalo lamang inilalagay sa pahamak ang mga Pilipino. Hindi patuloy na pagiging komersyalisado ang kailangan ng bansa, kundi masusing pagpapatupad ng proyektong para sa ikabubuti ng kapakanan ng taumbayan.
At sa rumaragasang mga isyu sa flood control projects, lumalalim ang pagdududa ng publiko sa kahandaan ng bansa sa iba pang sakuna. Kung may mga proyektong nauwi sa substandard na konstruksyon, pagkaantala, o hindi pagpapatupad, malaking tanong kung ang mga establisimyento, daan, at tulay ay handa para sa malalakas na paglindol sa bansa.
Normal na sa mga Pilipino ang mga sakuna, ngunit hindi kailanman dapat maging normal ang pagpapabaya sa kanilang kapakanan.
Ang Filipino resilience ay dapat magbunsod ng kongkretong aksiyon mula sa pamahalaan, at hindi mauwi sa kangkungan ng pangako at kapabayaan.



