Hindi kailanman makakamit ang katarungan kung nakaugat ito sa kasinungalingan dahil huwad ang kaakibat nitong kalayaan mula sa kalupitan ng katiwalian. Kaya naman isang malaking insulto sa taumbayan ang paglantad ng 18 dating kargador ni ex-Rep. Zaldy Co bitbit ang mga sali-saliwang salaysay na kinikitil ang mapagpalayang diwa ng hustisya para sa korupsiyong nagpapalunod sa ating bansa.
Noong Hunyo 8, biglang binawi ng dalawang miyembro ng grupo ang kanilang sinumpaang salaysay na nakatanggap si Sen. Loren Legarda ng male-maletang pera kaugnay ng flood control projects. Ito ay matapos silang mapuna sa hindi pagbanggit sa mambabatas sa pagdinig noong Hunyo 4 tungkol sa isyu. Ayon sa kanilang abugadong si Levito Baligod, nagkamali lamang ang dalawang dating kargador sa pagdawit sa senadora at iginiit na maaari siyang magsampa ng kasong perjury o pagsisinungaling sa legal na dokumento dahil sa nangyari.
Bukod dito, isa rin sa mga pinuna ang hindi pagdawit ng grupo kay Sen. Mark Villar, na gaya ni Legarda ay hindi nabanggit sa pagdinig noong Hunyo 4. Bagaman nanindigan ang grupo na nagpadala sila ng pera sa bahay ng senador kaugnay ng korupsiyon, hindi umano nila nakitang tinanggap ito mismo ng mambabatas.
Matatandaang Pebrero nang unang isinapubliko ng grupo ang kanilang sinumpaang salaysay, kaya naman nakapagtataka ang apat na buwang nakalipas para mapagtanto nila ang kanilang pagkakamali sa pagdawit kay Legarda at bahagyang pagdistansya kay Villar. Kung tutuusin, naipakita na ng grupo na kaya nilang umamin agad ng pagkakamali noong una pa lang, gaya ng kanilang ginawa noong Pebrero kung saan kanilang ipinagtapat ang “oversight” sa pagbanggit kay Rep. Leila de Lima sa mga kongresistang napadalhan nila ng male-maletang pera. Dito pa lang, lumilikha na sila ng duda sa kanilang mga salita.
Isa pa, hindi lamang sa mga pulitiko umiikot ang kontrobersiya ng 18 dating kargador. Matatandaang isang pari ng Simbahang Katolika na nagngangalang Flavie Villanueva ang inakusahan ng grupo na tumanggap ng male-maletang pera kaugnay ng isyu. Ngunit agad itong pinalagan ng institusyon dahil wala anila silang simbahan sa lokasyong iginiit ng grupo na pinagkuhaan ni Villanueva ng pera. At kung hindi totoo ang iginigiit nilang lugar, awtomatikong absuwelto agad ang pari dahil sa kasinungalingan ng grupo.
Kahit intensiyonal man o hindi ang pagkakamali kay Legarda, bahagyang pagprotekta kay Villar, ang “oversight” kay De Lima, at kaduda-dudang pagdawit kay Villanueva, malinaw ang impresyong ipinapakita ng kilos ng 18 dating kargador sa publiko — na may bahid ng kasinungalingan ang kanilang sinumpaang salaysay. At kung nakapagsinungaling sila tungkol sa apat na kilalang pangalan sa pulitika at relihiyon, hindi na tiyak ang kanilang katapatan sa iba pang mga detalyeng kanilang isinulat at maaari pang ipahayag sa publiko. Ipinapakita lamang ng kanilang kilos na may dungis na ang kanilang kredibilidad para ipahayag pa ang sana’y katotohanan tungkol sa isyu.
Higit dito, pinapalala lang din ng grupo ang kanilang katayuan sa publiko dahil sa pagpapakita nila ng pulitikal na pagkiling sa paglalahad ng kanilang mga salita. Litaw ang pagdikit ng 18 dating kargador at ni Baligod sa kampo ni Sen. Alan Peter Cayetano, gaya noong Hunyo 4, at ang pagtangging dumalo sa paksiyon ni Senate President Sherwin Gatchalian mula pa noong Hunyo 8. Dito maaaring makita ang ugat ng pag-amin ng kasinungalingan ng grupo tungkol kay Legarda at bahagyang pagdistansya kay Villar — ang dalawa ay hindi bahagi ng kampo ni Cayetano noong Pebrero kung kailan nila isinapubliko ang kanilang sinumpaang salaysay, at naging parte lamang sila mula Mayo hanggang sa kasalukuyan.
Gustuhin man nila o hindi, ipinapakita lamang ng 18 dating kargador na tila selektibo sila sa pagtalakay sa isyu ng katiwalian dahil nakaugat ito sa kasinungalingang hindi nila gustong hinahamon ng sinuman — binabahiran nila ng kulay-pulitika ang katotohanang hindi dapat nagtataglay ng kahit anong kulay na may kinikilingan.
Lubos na malubha, nagmumukha silang lumilikha ng sarili nilang bersiyon ng katotohanan para sa pulitikal interes ng iilan na maski sila ay hindi sigurado sa kanilang inilalahad na kuwento, at nagsisilbi lamang silang pampagulo sa usapin ng malawakang korupsiyong bumabalot sa flood control projects na maaaring lumikha ng kalituhan sa publiko kung sino ang dapat panagutin at singilin. Dahil sa kanilang sali-saliwang salita at kilos, ang hangarin sanang tuluyang malabanan ang katiwalian ay nauwi na ngayon sa isang estado kung saan kahit ang paglaban sa krisis na ito ay markado ng mga gawaing hindi nakasentro sa kapakanan ng mga Pilipino.
Ang maaari sanang papel ng 18 dating kargador na magbigay ng mga kasagutan upang matuldukan na ang katiwalian sa pamahalaan ay naglaho na parang bula. Halos imposible na nilang maisakatuparan ang pagiging tagapagtaguyod ng katotohanan ngayong litaw na ang kanilang pagkiling sa mga kulay na dinudungisan kung ano ang totoo, tunay, at dapat paniwalaan.
Sa gitna ng krisis na ito, kinakailangang maging mapanuri ng mga Pilipino sa bawat salitang lumalabas sa 18 dating kargador, at nararapat ang mabusising pagkilatis sa kanilang kilos upang malaman ang kanilang tunay na layunin — kung sila ba ay para sa kapakanan ng taumbayan o sa benepisyo lamang ng iilan.
Dahil hangga’t patuloy nilang dinudungisan ang diwa ng katarungang nakaugat sa katotohanan, hindi mapagkakatiwalaan ang 18 kargador na tumestigo laban sa katiwalian at maging sandigan ng ating kamalayan bilang lipunan.



