Matapos umani ng batikos ang napakataas na presyo ng mga BTS concert ticket sa online reselling market, isinusulong ni Sen. Francisco “Kiko” Pangilinan ang pagpasa ng Senate Bill No. 1989 o “Anti-Ticket Scalping Act” upang pigilan ang mapagsamantalang pagbebenta ng mga tiket.
Upang wakasan ang napakataas na presyo ng reselling sa BTS concert tickets, isinusulong ni Sen. Francisco “Kiko” Pangilinan ang pagpasa ng Senate Bill No. 1989 o “Anti-Ticket Scalping Act” na naglalayong ipagbawal ang ticket scalping.
Nanawagan si Pangilinan sa agarang pagpasa ng panukalang anti-scalping measure kasunod ng malawakang ulat ng matataas na reselling prices ng BTS concert ticekts.
Aniya, nagdudulot ng hindi patas na pasanin sa mga Filipino fans ang ticket scalping, lalo na sa mga sabik makadalo sa inaabangang concert ng K-pop sensation.
“Batay sa mga nakarating na reports sa ating opisina, halos isang dekada na naghihintay ang BTS fans na magkaroon muli ng concert dito sa atin. Hindi tama na pagsamantalahan ang pananabik at paghihintay na ito ng mga scalpers.”
Umaabot sa P30,000 hanggang P90,000 ang resale price ng ilang concert tickets na ibinibenta ng mga scalper. Mas mataas ito kumpara sa orihinal na presyo ng VIP Soundcheck ticket na P25,000 at Bleachers 2 ticket na P7,500.
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng multang P100,000 o anim na buwang pagkakakulong ang mga mahuhuling lalabag sa unang pagkakataon.
Tataas ito sa multang P250,000 o isang taong pagkakakulong para sa ikalawang paglabag habang multang P500,000 o tatlong taong pagkakakulong naman ang ipapataw sa ikatlong paglabag.
Kasabay ng pagdami ng mga kaso ng online ticket reselling, binigyang-diin ni Pangilinan ang pangangailangan para sa mas mahigpit at makabagong regulasyon sa digital marketplace.
Nilalayon din ng panukala na palakasin ang pananagutan ng mga ticketing platform at event organizer sa pamamagitan mas mahigpit na monitoring at mga mekanismo laban sa ilegal na bentahan ng mga tiket.




