Matapos isyuhan ng arrest warrant ng Sandiganbayan Third Division, agad din inaresto si Senator Rodante Marcoleta kasunod ng pagbasura sa kanyang mosyon kaugnay ng 75-million plunder case, Hulyo 6.
Nagtungo si Marcoleta sa Sandiganbayan upang dumalo sa pagdinig sa kanyang mga mosyon na ibasura ang reklamo ng Office of the Ombudsman at pigilan ang paglalabas ng arrest warrant laban sa kanya.
Ngunit ibinasura ng Sandiganbayan ang dalawang mosyon, inanunsyo ni Associate Justice Karl Miranda ang paglabas ng arrest warrant bago pormal na arestuhin si Marcoleta ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa loob ng korte.
Matatandaang nag-ugat ang kaso sa pag-amin ni Marcoleta noong Nobyembre 2025 na nakatanggap siya ng milyon-milyong pisong donasyon para sa kanyang pagtakbo sa 2025 senatorial election.
Gayunpaman, hindi umano niya idineklara ang mga ito sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) pati na sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ayon sa Ombudsman, natanggap ni Marcoleta ang kabuuang P75 milyon sa tatlong magkakahiwalay na transaksiyon:
- Enero 6, 2025 - P30 milyon mula kay dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor
- Enero 8, 2025 - P25 milyon mula kay Aristotle Viray
- Enero 9, 2025 - P20 milyon mula kay Joseph Espiritu
Dahil lumampas sa P50 milyong threshold na itinakda sa Anti-Plunder Law, sinampahan ng kasong plunder ang senador.
Bukod sa kasong plunder, nahaharap din si Marcoleta at ang tatlo pa niyang kapwa-akusado sa magkakahiwalay na kaso ng paglabag sa Presidential Decree No. 46 (PD 46) o ang pagbabawal na tumanggap ng kahit anong regalo ang mga lingkod-bayan.
Ayon kay Marcoleta, “utang na loob” ang pagtanggap niya ng mga pera.
Matapos makita ng Sandiganbayan na may probable cause pang ituloy ang kaso, naglabas ito ng warrant of arrest laban kay Marcoleta.
Dahil ang plunder ay isang non-bailable offense, isinailalim siya sa kustodiya ng korte habang dinidinig ang kaso ng third division ng Sandiganbayan.




