Sa pagitan man ng mga siyudad o patungo sa mga probinsya, nariyan ang mga UV express o FX bilang isa sa mga alternatibong paraan ng transportasyon.
May pangmaramihan, may pangkauntian. May malalamig ang aircon, mayroon din namang naka-electric fan lang.
Bawat ruta ng UV sa bansa ay may pagkakaiba-iba, pero sa paraan ng komunikasyon, doon nagkakaintindihan ang karamihan sa mga tsuper.
Narinig mo na siguro sila mag-usap sa kanilang radyo habang bumi-biyahe at nagtaka anong ibig sabihin ng mga sinasabi nila.
“267, anong 10-20 mo? Ba-bravo ka ba? Over.”
“Oo, na-5-3 lang ako. Ba-backdoor muna ako may sniper.”
Ano nga ba ang ibig sabihin ng mga salitang niraradyo ng mga tsuper ng UV?
Karamihan ng mga numerong binabanggit ng mga UV drivers ay galing sa standardized Radio Ten-Codes ng Association of Public-Safety Communications Officials-International o APCO sa Estados Unidos.
Ito ay mahabang listahan ng mga numerong sinusundan ng 10 (ten) na nangangahulugan ng mga karaniwang mensaheng niraradyo.
Madalas ito marinig sa mga larangan o trabahong nag-uusap sa radyo gaya ng security guards, mga pulis, at first responders.
Sa konteksto ng mga FX, nag-iiba ang kahulugan ng ibang ten-codes ng mas pasok sa kanilang biyahe.
May mga driver din na hindi na binabanggit ang numerong ten at hinihiwalay na lang ang kasunod nitong mga numero.
Halimbawa: Ang ibig sabihin ng 10-20 (ten-twenty) ay “Ano ang lokasyon mo?” o “Nasaan ka?” Maaari itong marinig bilang “twenty” o “two zero.”
Ang iba pang madalas gamiting ten-codes ay 10-14 para sabihing “May mga pasahero rito.,” 10-23 para sabihing “Nandito na ako.,” at 10-54 para sabihing “Mabigat ang daloy ng trapiko.”
Kung hindi numero, mga letra ang pang-usap ng mga tsuper ng UV.
Tuwing magbibigay sila ng babala sa kapwa nila driver kung may manghuhuli sa isang lugar, niraradyo nila ang bilang ng letra ng awtoridad na naroon.
Kapag sinabing “tatlong letra,” tinutukoy nito ang LTO o Land Transportation Office.
“Apat na letra” naman ay tumutukoy sa MMDA o Metro Manila Development Authority.
Habang ang “Limang letra” ay para sa LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
May mga ‘codes’ din ang mga FX drivers na nagmula sa International Radiotelephony Spelling Alphabet na ginawa ng NATO o North Atlantic Treaty Organization.
Dito, itinatalaga ang isang kataga upang katawanin ang isang letra sa normal na alpabeto. Layon nitong hindi mapaglito ang magkakatunog na letra kapag ginagamit sa radyo.
Mas naririnig ang alpabetong ito sa mga sundalo, pulis, at marino, kung saan may iba-iba rin itong kahulugan.
Sa mga UV drivers, ginagamit ito para tumukoy sa mga simpleng salita o bagay na gagawin o makikita nila sa kalsada.
Halimbawa: Ang “Charlie Foxtrot ay tumutukoy sa pag-counterflow o pagsalungat sa daloy ng mga sasakyan.
Ang “Kilo” o “Oscar Kilo” ay nangangahulugan namang “Okay” o pagsang-ayon. “Bravo” naman ang katumbas ng “biyahe” ng mga driver.



